Tumaas ang bilang ng mga barangay na idineklarang drug-cleared sa Maynila.
Sa Facebook Live program na “The Capital Report,” iprinisinta ni Mayor Isko Moreno ang impormasyon batay sa datos mula sa Manila Police District (MPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ito ay matapos sabihin ng isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang balak na paglalabas ng show cause order laban sa pamahalaang lokal dahil sa umano’y “failure” sa nationwide anti-drug campaign.
Ani Moreno, nasa 164 na ang drug-cleared barangays sa pagsisimula pa lamang ng kaniyang pamumunod noong nakaraang anim na buwan.
Mas mataas ito ng 177.97 porsyento kumpara sa naitalang 59 na drug-cleared barangays mula July 2016 hanggang June 2019.
Maliban dito, ibinida rin ng alkalde ang datos kung saan umabot na sa 1,074 ang drug surrenderees na sumailalim sa rehabilitasyon mula Hulyo hanggang Disyembre sa taong 2019.
Iginiit din ni Moreno na naglaan ang pamahalaang lokal ng mahigit P11 milyon para anti-drug campaign sa lungsod.
Ani Moreno, “unfair” ang naging pahayag ng isang opisyal ng DILG para sa mga empleyado at pulis sa Manila sa kabila ng kanilang pakikiisa sa kampanya.