Palasyo sa 5-minute Cubao-Makati drive: “Hanggang may buhay, may pag-asa!”
“Hanggang may buhay, may pag-asa.”
Ito ang naging tugon ng Palasyo ng Malakanyang sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging limang minuto na lamang ang biyahe mula sa Cubao, Quezon City patungong Makati pagsapit sa buwan ng Disyembre.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na kakayanin pa rin ni Pangulong Duterte na tuparin ang kanyang pangako bago pa man matapos ang kanyang termino sa 2022.
Paliwanag ni Panelo, may mga kalakaran bago matupad ang isang pangako.
Kung hindi man aniya ito matutupad ngayong Disyembre, may pag-asa pa naman na makamit ito.
“Alam mo ang pangako depende sa mga factors o kalakaran na magbibigay prutas sa kanyang pangako. Kung hindi natupad yung mga kalakaran na yun, hindi pa magaganap yun at ibig sabihin kung hindi magaganap ngayong taon, hindi magaganap hanggang sa matapos ang kanyang termino,” ani Panelo.
Matatandaan na noong buwan ng Hunyo, nangako si Pangulong Duterte na magiging limang minuto na lamang ang biyahe mula Cubao patungong Makati pagsapit sa buwan ng Disyembre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.