“Officially amazing”
Ganito isinalarawan ni Guiness Book of World Record adjudicator Swapmil Mahesh Dangarikar ang isinagawang nativity scene sa San Jose Del Monte, Bulacan araw ng Biyernes (December 20).
Nasa kabuuang 2,101 katao ang nakiisa sa nasabing aktibidad.
Bunsod nito, nasungkit ng lugar ang Guiness World Record para sa “most number of living figures in a nativity scene.”
Nahigitan nito ang dating record holder na United Kingdom na mayroong 1, 254 na kataong lumahok.
Ayon kay San Jose Del Monte, Bulacan Rep. Rida Robes, katuparan ito sa hiling ni Pope Francis na palaganapin ang kabanalan ng nativity sa mundo.
Nagpasalamat naman si Mayor Arthur Robes sa lahat ng sumuporta para maging matagumpay ang aktibidad.
Gumanap sa nativity scene ang mambabatas bilang Birheng Maria habang ang alkalde naman ay Joseph.
Maliban dito, hawak na rin ng lugar ang record bilang Largest Lantern Parade in the World.