Duterte hinimok ang mga kabataan na huwag yakapin ang ideolohiya ng mga komunista

Presidential photo

Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kabataang Filipino na huwag magpadala sa ideolohiya ng mga rebeldeng komunista.

Sa talumpati sa kauna-unahang Presidential Silent Drill Competition sa Quirino Grandstand, araw ng Biyernes, tinawag ng pangulo na ‘barat’ o sakim ang ideolohiya ng mga komunista.

“Kayong mga bata, huwag kayong magpadala diyan sa mga ideolohiya na barat,” ayon sa pangulo.

Giit ni Duterte, maging siya ay nadala ng ganitong kaisipan ngunit kalaunan ay napagtanto na walang mas makabubuti sa pagkakaroon ng batas at kaayusan at ng iisang pamahalaan.

“Dumaan na kami diyan. I was one of those. Pero later on, I realized that nothing else would be good except to have law and order and one government,” giit ng presidente.

Magugunitang ang pangulo ay dating estudyante ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison bandang 1960s.

Samantala, ipinaliwanag ng pangulo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng military reserve force na magagamit sa oras ng giyera.

Ang Silent Drill Competition na ideya ni Duterte ay binuo para idiga ang suporta sa pagbuhay sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program.

Magugunitang matagal nang itinutulak ng pangulo ang pagbabalik ng mandatory ROTC program dahil magtuturo anya ito sa mga kabataan ng disiplina at pagmamahal sa bayan.

Samantala, nanalo sa Silent Drill Competition ang mga kadete ng Philippine Military Academy at nag-uwi ng P300,000 cash prize.

First and 2nd runners up naman ang mga kadete ng Philippine Military Academy at Philippine Merchant Marine Academy na nag-uwi ng P200,000 at P100,000 cash prize.

Read more...