Performance ng bansa sa larangan ng edukasyon nais paimbestigahan sa Kamara

Nais paimbestigahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang performance ng bansa sa hanay ng edukasyon.

Sa House Resolution 626 na inihain ni Barzaga, gusto nito na silipin ng House Committee on Basic Education and Culture at Committee on Higher and Technical Education ang antas ng performance ng bansa sa edukasyon.

Nakasaad sa resolusyon na noong 2016 UN report, ang Pilipinas ang may pinakamataas na literacy rate na nasa 97.95% o yung mga marunong magbasa at magsulat kung saan naungusan nito ang mga kalapit na bansa sa Southeast Asia na Brunei, Indonesia at Singapore.

Pero sa kabila ng mataas na literacy rate ng bansa, nakukuwestyon pa rin ang kakayahan ng mga Pilipino dahil sa napakababang kaalaman at kakayahan pagdating sa reading, science at mathematics.

Sa pag-aaral na ginawa naman ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na 25.6% lamang sa elementary schools at 33.2% sa secondary ang may access sa internet habang pinakamalala dito ay 88.7% na mga elementary schools at 93.1% na mga highschools ang walang maayos na suplay ng kuryente na maaaring nakakaapekto sa kanilang pagkatuto.

Nababahala din si Barzaga sa mababang porsyento ng mga nakakapasa sa licensure exam at mga nakakakuha ng Masters at PHD o Doctoral Degree.

Ang imbestigasyon ay kasunod na rin ng nakuhang pinakamababang ranking ng Pilipinas sa reading comprehension at ikalawa sa pinakamababa sa science at math na resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA).

Read more...