‘3rd world war’ ideklara kontra kahirapan-Cardinal Bo
Nanawagan ang kinatawan ni Pope Francis na si Rangoon, Burma Archbishop Cardinal Charles Maung Bo sa mga Katoliko sa 51st International Eucharistic Congress (IEC) na mag-deklara na ng “third world war.”
Ang ikatlong world war na tinutukoy ni Bo ay ang pagkakaisa ng mga Katoliko na labanan ang kahirapan, kawalan ng hustisya at ang pagpatay sa mga Kristyano sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan sila ay kasama sa minority.
Sa kaniyang sermon sa opening Mass ng IEC na ginanap sa Plaza Independencia, sinabi ni Bo na ang pagtanggap ng mga Katoliko ng Holy Eucharist ay nangangahulugan ng kanilang pangangako ng pakikiisa sa pag-laban kontra kahirapan at kawalan ng katarungan sa mundo.
Kasabay nito, hinimok rin niya ang mga Katoliko na sama-samang labanan ang pag-patay sa mga Kristiyano sa Middle East na pakana ng Islamic State Group, at ng mga komunista sa China.
Aniya sa ngayon, ang pagiging isang Katoliko ay isa nang panganib, ngunit nanawagan siya sa mga Kristyano na pamunuan ang kapayapaan at pagkaka-isa. Labis namang ikinatuwa ng mga tao nang sabihin ni Bo na ang Pilipinas ay nangangailangan ng kapayapaan.
“The Philippines needs peace. The world needs peace,” dineklara ni Bo.
Dumagdag naman sa gaan ng pakiramdam ng mga tao ang sinabi ni Bo na “The Pope loves all of you, especially Filipinos,” na inulit niya pa sa wikang Filipino at Cebuano.
Samantala, sa pagtataya ng Cebu archdiocese at mga pulis, umabot sa 350,000 ang bilang ng mga taong dumating sa IEC as of 6:00pm kagabi.
Ayon kay Msgr. Joseph Tan na tagapagsalita ng Archiocese of Cebu, ang Misa ay dinaluhan ng hindi bababa sa 1,500 na mga pari, 200 obispo, 10 cardinals kabilang na sina Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo, at retired Cardinals Gaudencio Rosales ng Manila and Ricardo Vidal ng Cebu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.