2 LPA binabantayan ng PAGASA, isa may posibilidad na maging bagyo
Dalawang low pressure area (LPA) sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayan ng PAGASA sa kasalukuyan.
Ayon sa 4am update ng weather bureau, ang unang sama ng panahon na nasa loob ng bansa ay nasa layong 795 kilometro Silangan Timog-Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Sa ngayon, ang naturang LPA ay nagdadala na ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Caraga, Davao Region, Northern Mindanao, Eastern Visayas at Central Visayas.
Posibleng maglabas ng heavy rainfall warnings ang PAGASA ngayong araw dulot ng nasabing sama ng panahon.
Samantala, ang isa pang LPA ay huling namataan sa layong 2,650 kilometro Silangan ng Mindanao.
Posibleng pumasok ng PAR ang sama ng panahon sa Lunes at may posibilidad na maging bagyo habang papalapit ng bansa.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat din ang inaasahan sa Cagayan, Isabela, Aurora at Quezon na epekto naman ng Easterlies.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, maalinsangang panahon ang mararanasan na may posibilidad lamang ng mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Magandang balita para sa mga mangingisda, walang nakataas na gale warning saanmang baybaying-dagat ng bansa at pinapayagan ang paglalayag ng kahit maliliit na sasakyang-pandagat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.