Nakamit na hustisya sa Maguindanao massacre, hindi pa kumpleto – NUJP
Iginiit ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) na hindi pa kumpleto ang nakamit na hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao massacre.
Batay kasi sa 700 pahinang desisyon ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes, convicted ang ilang miyembro ng Ampatuan sa 57 bilang ng kasong murder at hindi 58.
Hindi ikonsidera rito ang photojournalist na si Reynaldo “Bebot” Momay Jr. bilang isa sa mga biktima ng malagim na krimen.
Katwiran ng korte, hindi pa rin nakikita ang mga labi ni Momay.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng NUJP na ikinalulungkot nilang na-acquit ang 55 sa mga akusado kabilang ang ilang miyembro ng pamilya Ampatuan.
Naniniwala aniya sila na guilty sila sa pagkasawi ni Momay.
Sinabi ng NUJP na hindi pa rin kumpleto ang hustisya para kay Momay at hangga’t hindi napaparusahan ang lahat ng mga responsable sa krimen.
Dagdag nito, hindi pa pinal ang desisyon ng korte hangga’t hindi naglalabas ng desisyon ang Korte Suprema.
Samantala, binati ng NUJP ang pamilya ng 58 biktima na hindi bumitaw sa kaso sa kabila ng mga banta para ipaglaban ang hustisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.