Mayroong dalawang low pressure area (LPA) na binabantayan ang PAGASA.
Sa weather update bandang 5:00 ng hapon, sinabi ni PAGASA weather specialist Ana Clauren ang isang LPA ay nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Huli aniya itong namataan sa layong 860 kilometers Silangan Timog-Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Ang trough o extension ng kaulapan nito ay nakakaapekto na sa northeastern portion ng Mindanao.
Tiniyak naman ni Clauren na malabo ang tsansa na lumakas ito at maging isang bagyo.
Gayunman, sinabi nito na posibleng dumaan ang LPA sa bahagi ng Visayas at Mindanao na maaaring magdulot ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan.
Samantala, nasa labas pa ng bansa ang isa pang LPA.
Huli itong namataan sa layong 2,670 kilometers Silangan ng Davao City.
Inaasahang papasok ito ng bansa sa araw ng Lunes, December 23, o Martes, December 24.
Ani Clauren, malaki ang tsansa na ito ay maging bagyo.
Dagdag nito, easterlies pa rin ang umiiral sa nalalabing parte ng bansa.