WPS dispute at NoKor nuclear program, tutukan ni US Sec. Kerry  sa pagbisita sa Asya

 

Mula  Saudi Arabia, nagtungo na si US Secretary of State John Kerry sa ilang mga bansa sa Asya kabilang na ang China sa pagpapatuloy ng kanyang pag-iikot upang ihayag ang tindig ng Amerika sa isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Unang binisita ni Kerry ang bansang Laos, ang kasalukuyang pinuno ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN upang ilatag ang pananaw ng US sa naturang usapin.

Si Kerry ang ikalawang secretary of state na bibisita sa Laos simula noong 1955.

Samantala, sa Cambodia naman inaasahang bibigyang-puna ni Kerry ang pagsigla ng ekonomiya ng bansa ngunit bibigyang pansin din nito ang pamumuno ni Prime Minister Hun Sen sa isyu ng human rights.

Pinakahuling bansa na tutunguhin ni Secretary Kerry ang Beijing, China kung saan muling ihahayag nito ang pag-aalala ng maraming bansa sa Asya sa agresibong mga hakbang na ginagawa nito sa South China Sea.

Inaasahan din na magiging bahagi ng pagtungo ni Kerry sa China ang paghiling dito na magpakita ng mas matatag na paninindigan upang kumbinsihin ang North Korea na ihinto na ang pagpapalaganap ng kanilang nuclear programs.

Read more...