BREAKING: Andal Ampatuan Jr., Zaldy Ampatuan at Anwar Ampatuan Sr., hinatulang guilty sa kasong murder kaugnay sa Maguindanao Massacre

Guilty ang hatol ng korte sa magkakaanak na Ampatuan sa 57 bilang ng kasong murder kaugnay sa Maguindanao Massacre.

Isang dekada mula nang mangyari ang krimen, naibaba na ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang desisyon sa kaso.

Kabilang sa hinatulang guilty ang mga pangunahing akusado na sina Andal Ampatuan Jr., Zaldy Ampatuan at Anwar Ampatuan Sr., gayundin ang iba nilang kaanak na pawang may apilyidong Ampatuan at marami pang mga akusado na karamihan ay mga pulis.

Parusang reclusion perpetua o hambambuhay na pagkakabilanggo ang ipinataw ng korte laban sa mga akusadong napatunayang guilty.

Inatasan din ang mga akusado na magbayad ng danyos sa pamilya ng mga nasawi sa massacre.

Alas 10:30 ng umaga (Dec. 19) nang dumating si Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City RTC Branch 221 sa Camp Bagong Diwa para sa promulgation ng kaso.

Bago ang hatol, isa-isa munang tinawag ang mga akusado para matiyak na sila ay nasa loob ng court room.

Sakay ng wheelchair at naka-cast ang kaliwang braso ay dumating sa Camp Bagong Diwa ang pangunahing akusado sa kaso na si Zaldy Ampatuan.

Para hindi humaba ang proseso ng promulgation, hindi na binasa ng buo ang desisyon dahil ayon kay Reyes, baka hindi kumasya ang maghapon kung babasahin ito ng buo.

Kapwa naman sumang-ayon dito ang mga partido sa kaso.

Napawalang sala naman ang ilang mga pulis na akusado sa kaso at iniutos ng korte ang pagpapalaya sa kanila.

Read more...