Bersyon ng Kamara sa bagong sin tax bill, ilalaban sa bicam – Rep. Salceda

Igigiit ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanilang bersyon ng bagong “sin” tax bill sa mga nakakalasing na inumin at electronic cigarettes.

Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, aabot ng hanggang P26 bilyon ang posibleng kitain ng pamahalaan mula sa sa bersyon nilang ito.

Sinabi ni Salceda na sa bersyon ng Senado ay aabot lamang ng P16 bilyon ang posibleng kitain ng gobyerno sa kanilang panukala matapos na isiningit ang probisyon na nag-aalis ng value-added tax sa mga prescription drugs.

Ayon sa kongresista, ang perang malilikom mula rito ay gagamitin sa Universal Healthcare Law, kung saan ayon sa Department of Finance (DOF) ay mangangailangan ng P257 bilyon sa unang taon ng implementasyon nito sa 2020.

Nabatid na target ng mga senador na maipasa ngayong linggo ang panukalang taasan ang sin tax rates para sa mga alcoholic drinks at tobacco products.

Gayunman, sa ngayon, sinabi ni Salceda na pinag-aaralan na nila ang pagtanggal sa prescription exemption at i-convert ang VAT sa isang specific tax sa isasagawang bicameral conference hearing bukas.

Read more...