9 patay sa aksidente sa Cardona, Rizal

(UPDATE) Hindi bababa sa siyam ang nasawi sa malagim na aksidenteng naganap sa Cardona, Rizal.

Nangyari ang aksidente sa bahagi ng LLDA sa Barangay Looc sa bayan ng Cardona, pasado alas 5:30 ng umaga ngayong Martes, Dec. 17.

Sangkot sa aksidente ang isang dump truck, trailer truck at jeep.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Cardona Police Chief Police Captain Jhuner Mojares, isa sa mga truck ang nawalan ng preno at inararo ang mga sasakyan at ang mga bystander sa lugar.

Kabilang sa mga nasawi ay pawang nakatambay lang at nagjo-jogging sa gilid ng kalsada. Tatlo sa kanina ang nakilala na habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng anim na iba pa.

Sa mga larawan at video na kuha ng mga netizen, halos naputol ang mga bahagi ng katawan ng mga nasagasaan.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Cardona Rizal police sa insidente.

Read more...