Patay sa magnitude 6.9 na lindol sa Davao del Sur umakyat na sa 4

Umabot na sa apat ang kumpirmadong patay habang 12 ang sugatan sa magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Davao del Sur noong Linggo ng hapon.

Kabilang sa mga nasawi ay isang 6-anyos na batang babae na natamaan ng bumagsak na pader at bubong ng sariling bahay.

Ang tatlo namang nasawi ay mula sa grocery store na gumuho sa bayan ng Padada.

Lunes ng gabi lamang ng mailabas sa gusali ang ikatlong biktima at lima pa ang pinangangambahang naipit dito.

Maya’t maya ang aftershocks kaya’t hindi nagtutuloy-tuloy ang search and rescue operations

Ang magnitude 6.9 na lindol noong Linggo ang pinakamalakas na tumama sa Mindanao simula noong Oktubre.

Tinitingnan ng Phivolcs ang Tangbulan Fault na posibleng dahilan ng pagyanig dahil ito ang pinakamalapit sa episentro ng lindol na mga bayan ng Matanao at Padada.

Malapit din ang magnitude 6.9 na lindol sa Cotabato Fault System na sanhi ng mga pagyanig sa Cotabato at mga karatig lalawigan simula noong Oktubre.

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, posibleng nailipat ng Cotabato Fault ang ‘stress’ sa paligid na naging sanhi ng pagyanig.

Read more...