Panukalang umento sa sahod ng gov’t workers lusot na sa Senado
Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Salary Standardization Law of 2019 (SSL V) na layong itaas ang sahod ng higit 1.4 milyong manggagawa ng gobyerno kabilang ang mga guro.
Sa botong 21-0 na may isang abstention, inaprubahan ng Mataas na Kapulungan ang panukalang batas para sa umento na planong ibigay simula January 2020.
Nag-abstain si Senate minority leader Franklin Drilon sa botohan dahil mas gusto nito ang across-the-board 5 percent increase kaysa sa ipinapanukala.
“We voted to abstain because while we believe that the proposed salary increase is not sufficient, we don’t want to stand in the way of the salary increase,” ani Drilon.
Ang pagpasa ng Senado sa panukala ay ilang oras lamang matapos itong sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Kamara, inaprubahan na ang panukala sa ikalawang pagbasa kahapon at inaasahang makalulusot na rin ngayong linggo.
Sa ilalim ng panukalang Salary Standardization Law of 2019, pinakalamalaki ang umento sa sahod ng mga manggagawa sa Salary Grade 10 hanggang 15 habang pinakamaliit ang sa SG 23 hanggang 33.
Tataas naman ng 65 hanggang 87 percent ang sahod ng public school teachers kumpara sa kanilang counterparts sa private sector.
Hidni kasama sa panukalang umento si Duterte, Vice President Leni Robredo, mga senador at kongresista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.