Duterte, ipinag-utos sa mga ahensya ng gobyerno ang round-the-clock assistance para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao
Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ahensya ng gobyerno ang pagbibigay ng “round-the-clock” assistance sa mga biktima ng tumamang magnitude 6.9 na lindol sa Mindanao.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles na ito ang naging direktiba ng pangulo para masiguro ang kaligtasan ng lahat at maging handa sa mga inaasahang aftershocks.
Tinututukan din aniya ng pangulo ang progreso ng nagpapatuloy na operasyon para ma-evaluate ang pinsala ng pagyanig.
“On top of the situation” din aniya ang gobyerno katuwang ang mga local disaster risk reduction management office.
Pagtitiyak pa ni Nograles, ibibigay ng gobyerno ang mga pangangailangan ng mga pamilyang apektado ng lindol.
Nagtalaga na rin aniya ng security forces sa mga evacuation center.
Iginiit naman ni Nograles na kailangan mayroong well-trained emergency responders ang bawat sitio at barangay sa bansa.
Dapat din aniyang maturuan ang lahat ng komunidad kung paano rumesponde sa lahat ng uri ng sakuna.
Hinikayat din ni Nograles ang lahat na magdasal para sa proteksyon ng lahat at mabilis na paggaling ng mga nasugatang biktima ng lindol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.