Walang dapat ikatakot sa report ni VP Robredo ukol sa war on drugs – PNP
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na walang dapat ikatakot sa inaasahang ilalabas na report ni Vice President Leni Robredo ukol sa kampanya kontra sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte.
Ito ay matapos maupo si Robredo bilang co-chairperson ng Inter-agency Committee on Anti-Illegals Drugs (ICAD) sa loob ng 18 na araw.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Camilo Cascolan na walang dapat ikatakot hangga’t ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin.
Aniya, lumalayo ang PNP sa pulitika at sa halip ay nakatutok aniya ito sa pagpapatupad ng batas.
Dagdag pa ng opisyal, titignan nila kung ano ang dapat nilang gawing hakbang sa ilalabas na komento ukol sa war on drugs campaign.
Nakatakda sanang iprisinta ni Robredo ang kaniyang nadiskubre sa drug war sa araw ng Lunes, December 16, ngunit ipinagpaliban ito para tutukan ang pagtulong sa mga biktima ng tumamang magnitude 6.9 na lindol sa Davao del Sur.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.