Cardinal Tagle umapela ng dasal para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao
Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang publiko na alalahanin at ipanalangin ang mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Ito ay kanyang inihayag sa pinangunahan niyang unang Simbang Gabi sa Manila Cathedral kaninang umaga.
Ayon kay Cardinal Tagle, kahapon (December 15) ay dumanas na naman ng lindol ang ating mga kababayan sa Mindanao, makaraang tumama ang magnitude 6.9 na pagyanig.
Sinabi ni Tagle na mas malakas ang lindol kahapon kumpara sa mga naunang lindol na yumanig sa iba’t ibang lugar sa Mindanao. Ang trahedyang nangyari ay “test of faith” aniya o pagsubok sa pananampalataya.
Ani Cardinal Tagle, nagpadala na siya ng mensahe sa mga obispo sa mga lugar na apektado ng lindol gaya sa Cotabato, Davao at Davao del Sur.
Batay naman sa mga impormasyon na nakuha niya, sinabi ni Cardinal Tagle na isa sa mga diocese na matinding naapektuhan ng lindol ay sa Digos City. Mayroon pa aniyang pari na sugatan makaraang maabutan ng lindol habang bumisita sa isang malayong lugar.
Pero ani Cardinal Tagle, may isang obispo na nagsabi na “Chito, Simbang Gabi na at ipapamalas ng sambayanan na kahit sa lindol, may pananampalataya,” ito aniya ang diwa ng Simbang Gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.