Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinisi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang city tourism council partikular si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno kung bakit hindi kasama sa itinerary ni Wurtzbach ang CDO.
Ayon kay Rodriguez, trinabaho raw niya ng husto para magkaroon ng homecoming sa CDO si Wurtzbach sa January 29.
Pero sayang aniya dahil hindi na matutuloy ito matapos sumulat si Moreno sa management ng Binibining Pilipinas at sabihing sa buwan na lamang ng Abril isagawa ang homecoming ni Wurtzbach, na tubong-CDO.
Dahil dito, nagulat daw ang mga residente ng Cagayan de Oro at ngayong labis ang disappointment dahil walang Miss Universe na uuwi sa kanilang lugar.
Giit ni Rodriguez, walang mabigat na rason para i-postpone ang homecoming ni Wurtzbach sa CDO dahil doon lumaki, nag-aral at nakilala ang beauty queen bilang Kagayanon.
Punto pa ng kongresista, tila napag-iwanan ang CDO dahil tuloy ang parada ni Wurtzbach sa mga lungsod ng Maynila, Makati at Quezon.
Laking hinayang pa ni Rodriguez dahil bukod sa hindi na makakauwi si Wurtzbach sa CDO, iyon sana ang pagkakataon para ma-promote ang kanilang lugar lalo’t maraming dadayo international press.
Ani Rodriguez, makikita na lamang niya ang Miss Universe sa nakatakdang pagtungo nito sa Kamara para tanggapin ang Congressional Medal of Distinction dahil sa pagkamit nito ng korona sa naturang prestigious beauty contest.