“Giyera na: Duterte vs. water concessionaires!” sa “WAG KANG PIKON!” ni Jake Maderazo

Parang pelikula ang batuhan ng Malakanyang kalaban ang Maynilad at Manila water company tungkol sa “onerous” o “one sided” na probisyon sa mga kontratang pinasok ng MWSS noong 1997.

Nitong nakaraang linggo, kinansela ng MWSS ang pinirmahang resolution noong 2009 na nagbibigay ng 15-year extension sa dalawang water companies sa panahon ni dating PGMA. Ibig-sabihin, ang orihinal na kontrata na may bisang 1997-2022 ay binago at naging 2037 na ang expiration.

Iginiit ni ex-President FVR na tagumpay ang kanyang “privatization” ng MWSS at nalutas ang krisis sa tubig noong 1990’s. Nangako ang gobyerno sa mga “water concessionaires” at ang pangako ay dapat umanong matupad. Ayon pa kay Ramos, kailangang umiral ang “sanctity of contracts” at “rule of law” sa ganitong usapan ng gobyerno at pribadong sektor.

Magkasabay namang sumulat noong Dec. 10 sina Manny Pangilinan ng Maynilad at Don Fernando Zobel de Ayala ng Manila Water kay Pangulong Duterte. Sa sulat ni Ayala, di na nila kokolektahin ang P7.4B na award ng Singapore Tribunal at bukas sila sa pagbabago ng mga probisyon ng Concession.

Pero, si Pangilinan ay hndi binanggit sa sulat ang naunang deklarasyon nila sa Kongreso sa “waiver” na P3.4B award, bagkus sinabing bukas din sila sa negosasyon sa pagbabago ng kontrata.

Sa ngayon, wala pang pormal na sagot si Presidente sa naturang mga sulat. Ang Department of Justice ay nag-iimbestiga sa mga “onerous provisions” ng kontrata at nagsabing merong kapangyarihan ang Pangulo na baguihin o kanselahin ang kontrata sa ilalim ng Saligang batas. Si Finance Sec. Carlos Dominguez ay nagsabing dapat mag-adjust ang kita ng mga water companies sa pabagu-bagong “interest rates” sa bagong kontrata para maging fair sa mga consumers.

Naging palaban naman at biglang nagbago ang mga water companies nang sabihin ng MWSS na kanselado na ang kanilang extension sa 2037. Nagpahiwatig silang itataas ng hgit 100% ang kanilang singilin kung itutuloy ang kanselasyon.

Pero, “military takeover” ang banta naman ng Pangulo bukod sa ipapakulong pa niya sa kasong economic sabotage ang mga taong nasa likod ng water concessionaire agreement.

Ang ganitong tensyon ng gobyerno at water concessionaires ay isang napakalaking mensahe sa ibang kumpanyang may monopolyo sa mga public utilities ng gobyerno. Hindi lamang sa tubig, maging kuryente o kaya’y cellphone signals, internet connections, IPPS, tollwys at maging radio at television stations.

Ang nangyari sa MWSS ay nagkalimutan sa trabahng “check and balance” sa nakalipas na dalawamput dalawang taon. Mukhang napabayaan ng “regulators” sa panig ng MWSS ang pagbabantay at na-agrabyado ang taumbayan at gobyerno. Isipin niyo magmula noong 1997, ngayon lamang lumalabas ang mga ‘one sided” na probisyon gayundin ang kawalan ng ngipin ng MWSS regulatory office kasama na ang MWSS board kontra sa mga water concessionaires na lumalangoy sa “tubong lugaw” sa monopolyong ito. Sa totoo, ngayon lamang “nagisa” ng mga kongresista at mga Senador ang mga dati’y “untouchable consessionaires” na talagang napakasama at napakamahal ng “serbisyo.”

Pabor tayong maresolba ito sa mahinahong pamamaraan, pero maitaguyod sana ng totoo ang kapakanan ng taumbayan. Respetado natin ang negosyo, pero, huwag namang masyadong matakaw. At kayong mga pulitiko at maging “media”, wag magpagamit sa mga negosyante lalot tubig, kuryente, at iba pang public utilities ng bayan ang pinag-uusapan.

Read more...