Palasyo, kinondena ang pag-atake ng NPA sa Eastern Samar
Kinondena ang Palasyo ng Malakanyang ang pag-atake ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Borongan, Eastern Samar.
Isang pulis at isang sibilyan ang nasawi habang 16 na iba pa ang nasugatan sa pag-ambush ng rebeldeng grupo sa bahagi ng Barangay Libuton, Biyernes ng hapon (December 13).
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar na hindi katanggap-tanggap ang pagkasawi at naranasang pag-atake ng mga biktima.
Isa aniya itong “senseless act” ng mga terorista dahil nagluluksa ang mahal sa buhay ng mga biktima ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Sinabi naman din ni Andanar na kaisa ang gobyerno ng mga biktima sa panahon na ito.
Dagdag pa nito, bilang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Communications chief, patuloy aniya silang makikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at civil society group para maresolba na ito.
Tiniyak din ni Andanar na patuloy na lalaban ang administrasyong Duterte kontra sa terorismo para sa kaligtasan at seguridad ng lahat ng Filipino upang makamit ang kapayapaan sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.