Rep. Ungab, pumalag sa akusasyon ni Sen. Lacson na may isiningit sa 2020 budget
Pumalag si House Appropriations Committee Chairman Isidro Ungab sa akusasyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na may isiningit ang mga kongresista sa P4.1-trillion 2020 national budget.
Ayon kay Ungab, ginawa nila ang proseso sa pagpasa ng 2020 budget na may “utmost transparency” kaya hindi misleading sa publiko na sabihing may nakasingit na “pork” sa inaprubahan nilang budget.
Paliwanag ni Ungab, napakalakas ng 2020 General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan ng bicameral conference committee para tumulong kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-deliver ang kanyang layunin na magbigay ng komportableng pamumuhay sa mga Filipino.
Nilinaw din ng kongresista na ang lahat ng pagbabago sa GAB ay nakalinya sa mga prayoridad ng pangulo at nakabase rin sa rekomendasyon ng mga cabinet departments at ibang ahensiya ng gobyerno.
Kaya bilang pagsunod anya sa kautusan ng pangulo, iginiit ni Ungab na ang 2020 GAB ay “no pork”, “no last minute insertions” at “no parked funds.”
Naratipikahan anya ang budget bill ng Kamara at Senado matapos na mapagkasunduan ang mga amendments dito at final version ng 2020 GAB sa bicameral conference committee.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.