Sa itinakbo ng hearing sa sala ni Quezon City Regional Trial Court Branch 85 Judge Juris Dilinila-Callanta, inuutusan nito ang We Move Things Phils. Inc., Habal Rides Corp., I-Sabay, Sampa-Dala Corp at Trans Serve Corp., na magkomento kung bakit hindi dapat ipatigil ang kanilang operasyon.
Paliwanag ni Atty. Raymond Fortun, lead counsel ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, wala umanong legal na batayan para mag-operate ang limang kumpanya dahil wala naman itong permit to operate mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Dahil dito, ayon kay Atty. Fortun, nalalagay umano sa peligro ang kaligtasan ng mga mananakay dahil sa parang kabuteng pag-usbong ng limang bagong motorcycle ride-hailing service na walang permit to operate.
Hinihingi ng mga commuters sa korte ang injunction with application for TRO dahil ilegal umano ang operasyon ng mga ito.
Ayon kay Atty. Fortun, wala pang legal na mga prangkisa pero nakapagtatakang nag-ooperate at nagsasakay na ng mga pasahero ang limang bagong apps-based ride hailing service.
Ang inaalala naman ni Atty. Ariel Inton, ang presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, hindi pa batid kung dumaan na sa proper training ang mga driver ng nabanggit na limang player na ngayon ay kasama na ng Angkas na namamasada sa mga kalsada sa Metro Manila.
Sa Disyembre ang huling araw ng six months pilot implementation ng serbisyo ng motorcycle ride-hailing service at wala pang inilalabas na desisyon ang Department of Transportation (DOTr) kung may extension pa para dito o tuluyan nang maglalabas ng direktiba ng full operation ng motor taxi.