Sa apat na pahinang dokumento na pirmado nina Supreme Court Administrator Atty. Midas Marquez at Supreme Court Spokesman Atty. Brian Hosaka, inilatag ang panuntunan para sa maayos na coverage ng media sa December 19, 2019 sa Metro Manila District Jail o Annex 2 sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Ang government TV network na PTV-4 ang magsisilbing media pool na siyang tanging papayagan na makapag set-up ng kanilang broadcast equipment sa loob ng korte.
Ang PTV-4 ang magbibigay ng signal feed sa iba’t ibang media networks para sa live broadcast ng promulgation.
Hindi papayagan ng SC ang anumang komentaryo ng sinumang eksperto habang isinasagawa ng proseso ng promulgation.
Sinabi ng SC, dapat na isahimpapawid ng PTV-4 ang promulgation nang walang anumang interruption o patalastas.
Dahil sa limitadong ispasyo sa korte, maglalaan ang SC ng hiwalay na media room para sa mga mamamahayag na magkokober ng promulgation kung saan maglalagay din ang SC ng television monitor para masubaybayan ang pangyayari sa loob ng korte.
Isang reporter lamang bawat media outfit na accredited ng SC ang papahintulutan sa loob ng naturang media room.
Bawal din ang photographer o videographer sa loob ng courtroom dahil tanging ang dalawang camera lamang ng PTV-4 at ang official photographer ng Supreme Court PIO ang papapasukin.
Ang isang camera ay dapat na nakatutok lamang kay Judge Jocelyn Solis- Reyes o sa kung sinuman ang magbabasa ng desisyon at dapat ay wide shot ang anggulo ng camera.
Ang ikalawang camera naman ay dapat na nakatutok lamang sa mga abugado o partido sa kaso at dapat na wide shot din ang anggulo ng camera.
Ipagbabawal din ang anumang media interviews sa loob ng courtoom at sa loob ng MMDJ Annex 2. Sa halip, magtatalaga ang SC ng lugar sa labas ng BJMP facility at papayagan lamang ang interview pagkatapos na ng promulgation.
Ang mga accredited media ay dapat na magparehistro bago ang 8:00 ng umaga.
Mahigpit na ipagbabawal sa loob ng courtroom ang cellphone, audio recorder, video recorder at iba pang kahalintulad na gadgets.
Ayon sa SC, ang sinumang media na lalabag dito ay agad na ilalabas ng MMDJ annex 2.