11 Chinese na ilegal na nagtatrabaho sa bansa, nahuli ng BI

Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang 11 Chinese nationals na ilegal na nagtatrabaho sa bansa.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nahuli ng mga tauhan ng BI Intelligence Division ang mga dayuhan sa kanilang opisina sa bahagi ng Zamora Street sa Tacloban City.

Sinabi ni Morente na naglabas siya ng mission order para isagawa ang operasyon matapos ipagbigay-alam sa ahensya ang pagtatrabaho ng mga dayuhan nang walang tamang dokumento.

Ayon naman kay Fortunato Manahan Jr., hepe ng BI acting intelligence, nahuli ang mga Chinese na nagtatrabaho nang walang work visa.

Bigo rin aniyang nakapagprisinta ang mga dayuhan ng kanilang pasaporte o iba pang immigration document.

“Our Region 8 team caught them engaged in businesses, selling various goods like auto parts, cellular phones, accessories, and other general merchandise,” said Manahan. “Upon verification, it was confirmed that they did not possess the appropriate visas and permits,” ani Manahan.

Dinala na ang mga dayuhan sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inaayos ang kanilang deportation proceedings.

Muli namang hinikayat ni Morente ang publiko na i-report ang mga illegal alien sa kanilang komunidad.

Read more...