16-anyos na binatilyo patay matapos makuryente sa Luneta
Patay ang isang 16-anyos na lalaki matapos makuryente sa poste ng ilaw sa Quirino Grandstand, Ermita, Maynila.
Nakilala ang binatilyo na si Rene Boy dela Cruz na sumampa sa steel barrier na katabi ng poste noong hapon ng December 6.
Pero nang hinawakan nito ang bakal na poste ng ilaw, bigla na lamang itong nakuryente dahilan para bumagsak ito at humandusay sa lapag.
Nagawa pang mai-revive sa ospital si dela Cruz pero nitong Miyerkules ng gabi, December 12 ay tuluyan na itong binawian ng buhay.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Ronalyn dela Peña, napinsala ang bungo ni dela Cruz matapos walang malabasan ang kuryente at sumabog din ang baga nito dahil napuno ng tubig at plema.
Sinabi ni Manila Police District-Public Information Office chief P/ LtCol Carlo Magno Manuel na aalamin nila kung may pananagutan ang National Parks Development Committee (NPDC) sa insidente.
Ayon kay NDPC Chief of Staff Florizza Buclatin, palaisipan sa kanila ngayon kung paano nagkaroon ng kuryente sa poste kapag humahawak sa steel barrier.
Hinihintay na ng NDPC ang medical abstract para makumpirma ang sanhi ng pagkamatay ni dela Cruz.
Sa ngayon ay naka-kordon na ang poste at nainspeksyon na rin ng electrician.
Siniguro ni Buclatin na mananatiling ligtas sa mga bibisita ang Luneta lalo na ngayong Kapaskuhan na panahon na dinarayo ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.