Panukalang pagpapalit ng Saligang batas, lusot na sa House Committee on Constitutional Amendments
Pasado na sa House Committee on Constitutional Amendments ang panukalang pagpapalit ng Saligang batas.
Ayon kay House Committee on Constitutional Amendments Chairman Rufus Rodriquez, sa ilalim ng lumusot na resolution, ang kapartido ng mananalong pangulo na vice president ay siya ring uupo sa puwesto.
Mula naman sa kasalukuyang anim na taon na may tig-tatlong termino ng mga senador, ay inaamyendahan na ito sa dalawang termino na may tig-limang taon na lamang.
Sa ilalim nito, magkakaroon 27 senador mula sa kasalukuyang 24 kung saan tig-tatlong senador ang iboboto ng mga residente mula sa siyam na rehiyon.
Kabilang na rito ang National Capital Region, Northern Luzon, Southern Luzon, Bicol Region, Eastern Visayas, Western Visayas, Northern Mindanao, Southern Mindanao at ang Bangsamoro Autonomous Region.
Ang mga miyembro ng House of Representatives at ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ay magkakaroon din ng tatlong termino na tig-limang taon.
Inaamyendahan din ang economic provision sa Saligang batas na naghihigpit sa foreign ownership sa pagsingit sa katagang “unless otherwise provided by law” na layong luwagan ang dayuhang pamumuhunan sa bansa.
Posible ayon kay Rodriguez na maisalang na ang Cha-cha sa plenaryo ng Kamara sa susunod na linggo para umpisahan na ang deliberasyon dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.