Aminado ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na walang sapat na basehan ang pahayag ng Dangerous Drugs Board (DDB) na aabot sa apat na milyong Filipino ang adik sa bansa.
Sa Pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni PDEA director general Aaron Aquino na hindi accurate at hindi scientific ang pahayag ng DDB.
Ito aniya ang dahilan kung kaya sinimulan ng DDB ang pagsasagawa ng national survey para madetermina kung ilan ang adik sa Pilipinas.
Magiging bahay-bahay aniya ang survey at may mga espisipikong tanong.
Ayon kay Aquino, inaasahang ilalabas ang resulta ng survey sa pagpasok ng taong 2020.
Sa ngayon, ayon kay Aquino mayroong 186 na local drug syndicate ang nasa bansa habang ang Dragon Woodra Group mula China ang pinakamalaking sindikato sa Pilipinas.
Samantala, sinabi naman ni Presidential communications assistant secretary Ana Marie Rafael na mas mababa na ngayon ang bilang ng mga namatay sa anti-drug war campaign.
Paglilinaw ni Rafael, nasa 5,552 lamang ang napatay sa anti-drug war campaign taliwas sa naunang naiulat ng PNP na 6,700.
Paliwanag ni Rafael, hindi kasi lahat ng napatay sa 6,700 ay bunga ng anti-drug war campaign kundi sa police operation lamang.