ITCZ magpapaulan sa Palawan, ilang bahagi ng Mindanao

Muling nakaaapekto ang inter-tropical convergence zone (ITCZ) sa ilang bahagi Mindanao at Palawan at palakas naman nang palakas ang pag-ihip ng northeast monsoon o Amihan sa Luzon.

Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan bunsod ng Amihan ang inaasahan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, at Quezon.

Umaabot na rin sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ang may kalamigang hangin lalo na sa gabi at madaling-araw.

Samantala, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Caraga, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at Southern Palawan dahil sa ITCZ.

Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga sandaling may malakas na pag-ulan.

Sa buong Visayas at nalalabing bahagi naman ng Mindanao maalinsangang panahon ang mararanasan na may posibilidad ng mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Nakataas ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng:
– Batanes
– Northern coast ng Cagayan kasama ang Babuyan Islands
– Nortern coast ng Ilocos Norte

Read more...