Maynilad, Manila Water nagbabala ng taas-singil
Nagbanta ng dagdag-singil sa tubig ang Maynilad at Manila Water makaraang kanselahin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang extension ng kanilang concession agreements.
Magugunitang imbes na magtatapos ang concession deals taong 2037 ay kinansela ng MWSS ang 15-year extension kaya ang expiration ay sa 2022 na agad.
Sa pagdinig sa Kamara araw ng Miyerkules, sinabi nina Maynilad President and CEO Ramoncito Fernandez at Manila water board member Antonino Aquino, posibleng higit isandaang porsyento ang magiging dagdag-singil sa tubig.
Wala pa anya silang final computation pero sigurado na ang dagdag-singil.
“We’re still computing but definitely it [water tariffs] will go very high because the rationale of the extension at the time was to mitigate any spikes in tariffs or presyo ng tubig because kailangan pang mag-invest pa ng mga water concessionaires nang mas malaki… Maraming factors ang kailangan i-compute (There are so many factors to compute)… It’s definitely more than 100%,” ani Fernandez.
“Ganun na rin siguro ‘yung mangyayari dito,” dagdag naman ni Aquino.
Paliwanag ng mga opisyal, ang spending plans ng kanilang mga kumpanya ay nakabatay sa extension na una nang pinayagan.
“Base po doon sa approval, ginawa na namin ‘yung spending plan that presumes that mababawi po ang lahat ng investment natin for that extended period of time. Kung mas mahaba po ‘yung recovery period, mas mababa ang magiging epekto sa taripa. Kung mawawala ‘yung extended term, talagang magkakaroon ng mas malaking adjustment kung ano ang mababawi mo doon [sa investment] sa maikling panahon,” ani Aquino.
Dagdag din sa mga babawiin sa consumers ang ginastos ng Maynilad at Manila Water sa Kaliwa Dam at iba pang gastusin.
Nagpahayag ng pangamba ang dalawang water concessionaires sa anila’y ‘unilateral’ na pagbawi sa kanilang concession extension.
“It is with very grave concern that we view this action and we believe also that’s it’s not proper to unilaterally revoke the agreement,” ayon kay Fernandez.
Naganap ang kanselasyon matapos magalit si Pangulong Rodrigo Duterte sa maanomalyang mga probisyon sa concession agreements na pinasok ng gobyerno noong 1997.
Nakalagay sa concession deals na hindi maaaring pakialaman ng pamahalaan ang dagdag-singil na ipatutupad ng water firms.
Dahil dito, nagbanta ang presidente na kakasuhan ng economic sabotage ang dalawang kumpanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.