Ipinasulyap na ng Philippine National Railways (PNR) sa publiko ang unang anim na Diesel Multiple Unit (DMU) railcars na binili mula sa Indonesia sa halagang P485.31 million.
Pinangunahan ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang arrival at unveiling ceremony ng mga bagong tren sa South Harbor, Manila.
Ayon sa kalihim, tatlong railcar ang bubuo sa isang tren.
Sinabi ni Tugade na agad idedeploy ang mga bagong DMU trains sa FTI-Tutuban at FTI-Malabon routes mula December 16, 2019.
Makapagdadagdag ang dalawang bagong train sets ng 18 hanggang 20 biyahe kada araw sa naturang mga ruta.
Bawat bagon ay kayang magsakay ng 250 pasahero kada biyahe
Sa pagdating ng anim na bagon kahapon, 31 na lamang ang hihintayin kasama na rin ang tatlo pang locomotives.
Binili ang mga bagong tren mula sa Indonesian company na PT. Industri Kereta Api (PT Inka).
Ayon sa DOTr, asahan na ang mas maginhawa at komportableng biyahe ng PNR commuters sa 2020.