Sulat ng Maynilad, Manila Water babasahin ni Pangulong Duterte sa harap ng publiko
Lantarang babasahin sa publiko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sulat ng Maynilad na pinangungunahan ng negosyanteng si Manny Pangilinan at Manila Water na pag-aari ng negosyanteng si Fernando Zobel de Ayala.
Pahayag ito ng Palasyo matapos sabihin ng pangulo na nagmamakaawa ang water concessionaire para maresolba na ang isyu sa tagilid na kontrata.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, gagawin ito ng pangulo sa ngalan ng transparency.
Ipakikita din aniya ng pangulo kung anong mga hakbang ang ginagawa ng gobyerno para maresolba ng aboveboard at lehitimo.
“The Chief Executive will read the letters of Maynilad and Manila Water before the public for transparency and to show that all the steps being undertaken by the government in resolving this issue with the two Metro Manila water concessionaires are aboveboard and legitimate,” ani Panelo.
Nakasaad sa sulat ng Maynilad at Manila Water na handa silang sumunod sa panawagan ng pangulo na bisitahing muli ang kontrata para mabago ang mga madadaya at hindi patas na probisyon sa pamahalaan at sa taong bayan.
“The separate letters of Maynilad and Manila Water basically state that they are heeding the call of the President and are willing to revisit the concession agreements for amendments or revisions of the provisions which are onerous to the government and ultimately, their consumers,” dagdag pa ni Panelo.
Nangako na rin aniya ang dalawang kumpanya na hindi na sisingilin ang pamahalaan sa mahigit P10 bilyong napanalunan na arbitration award sa Singapore.
Ayon kay Panelo, i-evaluate ni Pangulong Duterte ang nga development at pag-aaralan ang mga practical at legal consequences bago gumagawa ng desisyon.
Pero bago ito, sinabi ni Panelo na nais ng pangulo na makausap muna ang lahat ng mga abogado na kasama sa preparasyon, negosasyon at drafting ng kontrata.
Hindi naman tinukoy ni Panelo kung kailan babasahin ni Pangulong Duterte ang naturang sulat sa harap ng publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.