P4.1T 2020 national budget, lusot na sa Senado

Niratipikahan na ng Senado ang P4.1 trilyong pondo ng gobyerno para sa susunod na taon.

Si Sen. Sonny Angara bilang chairperson ng Committee on Finance ang nagprisinta sa plenaryo ng Bicameral Conference Committee report ng 2020 budget.

Agad din itong inaprubahan ng mga senador.

Miyerkules ng umaga, December 11, nang maaprubahan ang naturang ulat at hindi dumalo sa pulong si Sen. Panfilo “Ping” Lacson at sa kanyang pahayag hindi siya pumirma.

Ayon kay Lacson, may nadiskubre siyang insertions na nagkakahalaga ng P83.2 bilyon.

Dagdag pa ni Lacson, malinaw na may lump sums pa rin sa budget ng bansa sa susunod na taon at may mga malabo pa rin mga proyektong pinondohan.

Binanggit pa nito ang ilang lalawigan na nakatanggap ng malalaking lump sum projects tulad ng Albay – P670 milyon, Cavite – P580 milyon, Sorsogon – P570 milyon, Batangas – P502 milyon, Bulacan – P440 milyon, Pangasinan – P420 milyon, at Cebu – P410 milyon.

Itinanggi naman ni Angara ang pagdududa ni Lacson at aniya, ang lahat ay malinaw sa bicameral report.

Ayon naman kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, hindi pa niya alam ang pagbubunyag ni Lacson.

Dagdag pa nito, bahala na ang Malakanyang sa susunod na hakbang kung mapapatunayan ang alegasyon ni Lacson.

Read more...