Bilang ng mga dayuhang turistang bumisita sa Pilipinas, tumaas – DOT

Tumaas ng 15-porsiyento ang bilang ng mga turistang bumisita sa bansa sa nakalipas na 10-buwan.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Tourism Secretary Berna R. Puyat na mula Enero hanggang Oktubre ng 2019, nakapagtala ng kabuuang 6,800,052 na turista, o 15 porsiyentong mas mataas sa katulad na petsa noong 2018 na 5,911,161.

Sa bilang na ito ay nangunguna ang mga Koreano (1,609,172 o + 21.75%); pangalawa ang China (1,499,524 o +41.14%); pangatlo ang USA (872,335 o+2.53%).

Nananatili sa ika-4 na puwesto ang Japan na 569,625 at panglima ang Taiwan – 282,220.

Pinaliwanag ng kalihim na ang pagganda ng tourist arrivals ay dahil sa maayos na air connectivity, pinaigting na marketing promotions kasama na rito ang pinasiglang brand na “It’s More Fun in the Philippines”, ang gumagandang relasyon sa ibang bansa at ang lumalawak na pagkilala sa sustainable tourism advocacy ng Pilipinas.

Ipinagmalaki rin ng Tourism Chief ang pagtatamo ng Pilipinas ng dalawang award, ang World Travel Award sa Muscat, Oman at ang Asia’s Leading Dive Destination kung saan ay tinalo ng bansa ang 8 global dive destinations gaya ng Azores Islands, Bora Bora sa French Polynesia, Cayman Islands, Fiji, Galapagos islands, Great Barrier Reef sa Australia, Maldives at Mexico.

Read more...