6 patay sa pamamaril ng isang lalaki sa Czech Republic; gunman nagpatiwakal
Patay ang anim katao at sugatan ang tatlong iba pa sa pamamaril ng isang lalaki sa ospital sa Ostrava, Czech Republic araw ng Martes.
Ayon kay Czech Prime Minister Andrej Babis, naganap ang shooting incident sa waiting room ng ospital.
Ang 42-anyos na suspek na hindi pinangalanan at napag-alamang may criminal record ay nagpagamot sa naturang ospital.
Malapitan ang naging pamamaril ng lalaki sa mga tao at tinarget pa ang ulo ng mga ito gamit ang isang Czech-made 9mm gun.
Tinawag ni Babis na ‘ruthless’ o brutal ang ginawang pag-atake.
Pawang pasyente sa ospital ang mga namatay na kinabibilangan ng apat na lalaki, at dalawang babae.
Kinakailangan namang operahan ang dalawang pang biktima habang nagtamo ng slight injuries ang isa pa.
Samantala, nagbaril sa sarili ang suspek sa loob ng sasakyan nito habang papalapit ang mga pulis.
Ito na ang ikalawang pinakamalaking shooting incident sa Czech Republic matapos ang pamamaril ng isa ring lalaki sa bayan ng Uhersky Brod noong 2015 na ikinamatay ng walo katao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.