Duterte nagbabala ng government take-over sa water services
Mas naging maanghang ang babala ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Maynilad at Manila Water sa gitna ng isyu sa concession agreements na pinasok ng gobyerno noong 1997.
Sa talumpati sa Rizal Hall ng Malacañang araw ng Martes, ibinabala ng presidente ang pag-take over ng pamahalaan sa water services sakaling hindi masiyahan sa paliwanag ng mga opisyal ng water concessionaires.
Banta pa ng presidente, kung ayaw makipag-usap sa kanya ng mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at mga abugadong bumalangkas sa concession deals, sapilitan niyang ipahahatak ang mga ito patungong Malacañang.
Ibinabala pa ng presidente ang pagsuspinde sa writ of habeas corpus para ipaaresto ang mga opisyal.
“ Yung mga abugado noon kung ayaw nilang pumunta rito, I will drag them. Then if you will force my hand, I will throw my last card. Ayaw ninyo? O sige. I will suspend the habeas corpus at hilain kayo. Widespread economic sabotage,” ayon sa pangulo.
“Now, ‘pag hindi ako ma-satisfy, I will expropriate everything. Kunin ko lahat. Magdemanda ka nang magdemanda tutal dalawang taon na lang, wala na ako,” dagdag nito.
Sa ilalim ng concession agreements na pinasok ng noo’y Administrasyong Ramos, nakasaad na bawal pakialaman ng gobyerno ang ipatutupad ng dagdag-singil sa tubig.
Ang pahayag ni Duterte ay ilang oras lamang matapos sabihin ng Maynilad at Manila Water na hindi na nila sisingilin ang P11 bilyong pisong napanalunan sa arbitration dahil sa hindi pagpapatupad ng rate adjustments.
Samantala, kumpyansa ang pangulo na matibay ang mga kasong isasampa laban sa water firms.
“If they say, mayor run after them, then I will file economic sabotage. My case is airtight. The contracts themselves, if you review it in relation to the anti-graft law, it mirrors, it is a mirror of the Anti-Graft and Corrupt Practices (Act),” giit ng presidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.