Cardinal Tagle emosyonal sa nakatakdang paglisan sa Arkidiyosesis ng Maynila
Naging emosyonal si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa misa concelebrada para sa Dakilang Kapistahan ng Inmaculada Concepcion, sa Manila Cathedral, Lunes ng tanghali.
Ito ay dahil sa kanyang bagong appointment bilang bagong pinuno ng Congregation for the Evangelization of Peoples o ‘Propaganda Fide’ na isa sa pinakamataas na posisyon sa Vatican.
Nangangahulugan itong lilisanin ni Tagle ang Arkidiyosesis ng Maynila para magampanan ang bagong tungkulin.
Habang papalakad pa lang papunta sa altar sa pagsisimula ng misa, makikita nang nagpupunas ng luha ang cardinal.
Sa kanyang homilya, pinagnilayan ni Tagle ang biyaya ng paghirang ng Diyos sa bawat isa.
Pero wala anyang makakahigit sa pagtugon ni Maria sa panawagan ng Diyos kahit na mayroon na itong sariling mga plano.
Maluha-luhang binanggit ng cardinal ang tugon ni Maria kay Anghel Gabriel nang ianunsyo nito ang kanyang mapagligtas na misyon.
“And finally, we hear the words ‘Behold the handmaid of the Lord, be it done to me according to your word,’” maluhang-luhang binanggit Tagle.
Dahil anya sa pagtugon ni Maria sa kalooban ng Diyos, hindi na kailanman mapuputol ang ugnayan ng Diyos sa tao.
“Through her, especially through her Son, the Word who will become flesh in her, the dialogue with God will continue, it will never be broken again,” giit ni Tagle.
Ayon pa sa cardinal, hindi lamang ang Birheng Maria kundi ang lahat ay tinatawag para sa misyon at maging banal alinsunod sa kalooban ng Diyos.
“All of us have been given a spiritual blessing. All of us have been called to holiness as adopted children of God. And all of us have a calling to be in accord with the will of God,” ani Tagle.
Samantala, mas nagpaluha sa cardinal ang mensahe ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Caccia.
Ayon kay Caccia, hindi man madali para kay Cardinal Tagle at sa buong sambayanan ang bagong misyon, dapat itong tanggapin nang may galak dahil mas alam ng Diyos ang makabubuti.
“I like that our yes would be like the yes of Mary not just accepting something that we cannot change. But saying ‘if this is the will of God, I am happy to let you go’”, giit ng Nuncio.
Ang pagtanggap anya ni Tagle sa bagong trabaho ay para sa ikabubuti ng buong Simbahang Katolika.
“…We as church (should) give the Cardinal to the bigger church in a position to take care of all work of evangelization of peoples. (This is) the best gift we had to give to the universal church. We give (it) with open heart even the heart is suffering, but we give with joy” ani Caccia.
Sa huli, nagyakapan si Caccia at Tagle at kapansin-pansin pa rin ang pagiging emosyonal ng cardinal.
Pormal na itatalaga sa kanyang bagong posisyon sa Vatican ang cardinal sa 2020.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.