BIFF, minaliit lang ang Red God Soldiers

By Kathleen Betina Aenlle January 23, 2016 - 02:49 AM

JEOFFREY MAITEM / INQUIRER MINDANAO
JEOFFREY MAITEM / INQUIRER MINDANAO

Itinuturo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang mga militar na may pakana sa pag-usbong ng isang grupo ng mga armadong Kristyanong taga-Central Mindanao na tinatawag ang kanilang mga sarili na “Red God Soldiers.”

Ayon sa tagapagsalita ng BIFF na si Abu Misri Mama, ito ang kanilang paniniwala dahil base sa mga nakita nilang ritrato, ang mga hawak na armas ng mga kasapi ng Red God ay galing sa mga militar.

Gayunman, sinabi ni Mama na kahit pa mukhang magagandang klase ang mga armas na gamit ng mga ito, hindi pa rin ito uubra sa kanila.

Giit ni Mama, kung sa mga militar nga na mas marami ang bilang at mas malakas ang pwersa ay hindi sila natitinag, sa Red God pa kaya na kakaunti lang.

Isang leader ng Red God ang lumabas at nagpakilala lang bilang Borther Asiong, at sinabing bagaman alam ng otoridad ang kanilang grupo, hindi naman sila binuo ng mga militar.

Pero, inamin naman ni Asiong na nagbibigay sila ng mga intelligence information sa militar.

Samantala, itinanggi naman ni Army 6th Infantry Division spokesperson Capt. Jo-Ann Petinglay na suportado nila ang nasabing bagong grupo, at iginiit pang oras na aarestuhin nila ang mga ito oras na matunton nila ang kinaroroonan ng Red God, alinsunod sa batas.

Ani Petinglay, para sa militar, ang Red God ay isa na namang lawless group tulad ng BIFF, kaya wala silang balak na kunsintehin ang mga ito.

TAGS: bangsamoro islamic freedom fighters, red god soldiers, bangsamoro islamic freedom fighters, red god soldiers

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.