Inilipat ang kapistahan dahil pumatak ito sa araw ng Linggo na araw para sa Panginoon o Lord’s day.
Ang Dakilang Kapistahan ng Inmaculada Concepcion ay isang Holy Day of Obligation o Araw ng Pangilin kaya’t lahat ng Katoliko ay inaanyayahang magsimba.
Pero sa Archdiocese of Manila, ang kapistahan lamang ang nailipat at ang mga nakapagsimba araw ng Linggo ay nakatupad na sa kanilang obligasyon.
Isang misa ang pangungunahan mamayang alas-12:10 ng tanghali ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle, arsobispo ng Maynila.
Nananatili namang Holy Day of Obligation sa ibang diyosesis ang araw na ito.
Ang dogma ng Inmaculada Concepcion ay tumutukoy sa kalinis-linisang paglilihi sa Birheng Maria at hindi sa paglilihi sa Panginoong Hesukristo.
Ginugunita ang pagiging katangi-tangi ni Maria sa paniniwalang hindi siya nabahiran ng ‘original sin’ o kasalanang mana habang nasa sinapupunan ng kanyang ina na si Sta. Ana.
Bagama’t isa nang matandang paniniwala para sa mga Katoliko, ito ay idineklarang dogma o katuruang dapat paniwalaan, ni Papa Pio IX noong December 8, 1854.
Samantala, sa kanyang mensahe, nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte na sa pamamagitan ng halimbawa ni Maria, ay magkaisa ang bawat mamamayan na matamo ang mas mapayapa, progresibo at maunlad na bansa.
Narito ang mensahe ni Pangulong Duterte para sa Dakilang Kapistahan ng Inmaculada Concepcion: