Itinalaga ni Pope Francis si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bilang bagong pinuno ng Congregation for the Evangelization of People.
Ayon sa CBCP News, ang pagtatalaga sa arsobispo ng Maynila sa Roman Curia ay inanunsyo sa Roma alas-12:00 ng tanghali o alas-7:00 ng gabi sa Pilipinas.
Ang Congregation for the Evangelization of People ay ang sangay ng Vatican na responsable sa pagtataguyod at pagpapakalat sa pananampalatayang Katoliko sa buong mundo.
Papalitan ni Tagle si Cardinal Fernando Filoni, na itinalaga naman bilang bagong Grand Master of the Order of the Holy Sepulcher.
Mayroon lamang siyam na congregations sa Vatican at ang mga namumuno rito ay kadalasang naglalagi sa Roma.
Dahil dito, kakailanganing lisanin ni Tagle ang Arkidiyosesis ng Maynila at ito ay magiging sede vacante.
Ayon sa Vatican News, pormal na itatalaga sa kanyang bagong posisyon sa Vatican ang Cardinal sa 2020.
Bukod sa pagtaguyod sa Arkidiyosesis ng Maynila, simula 2015 ay si Tagle ang namumuno sa Caritas Internationalis, ang pinakamalaking development at social service organization ng Simbahang Katolika.