Palasyo, tiniyak na hindi aarestuhin si Sison kapag pumayag na ituloy ang peace talks sa bansa
Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na hindi aarestuhin ng mga awtoridad si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison kung uuwi ng bansa at papayag itong ituloy ang peace talks.
Pahayag ito ng Palasyo matapos pumalag si Sison sa kondisyon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na sa Pilipinas dapat na gawin ang pag-uusap.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na kung matapat ang komunistang grupo, papayag ito kahit saang lugar gawin ang peace talks.
Nakahanda naman aniya ang pamahalaan na suspendihin ang pending na warrant of arrest laban kay Sison at isa iba pang opisyal ng komunistang grupo.
“Kung matapat sila kahit saan lugar papayag sila. Hindi naman siya aarestuhin, ‘yan naman ang pinapangako ni Presidente. Suspendido naman lahat ng mga pending warrant of arrest laban sa kanila kung may pag-uusap,” ani Panelo.
Nagkukunwari at nagdadahilan na lamang aniya si Sison.
Sinabi pa ni Panelo na noon pa man ay natutuwa na si Sison kapag sinasabi ng pangulo na ituloy muli ang usaping pangkapayapaan.
“Naguguluhan at nagkukunwa-kunwarian lang iyan si Joma Sison. Katunayan natutuwa yan na… kasi siya ang may kagustuhan eversince na magkaroon ng pag-uusap kaya lang hindi sila naging matapat nga e,” dagdag ni Panelo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.