Ulat ng NATO na may state-sponsored propaganda sa Pilipinas, fake news – Palasyo
Pumalag ang Palasyo ng Malakanyang sa ulat ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) na mayroong state-sponsored propaganda sa Pilipinas para patahimikin ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na fake news ang naturang ulat.
Kailanman ay hindi aniya nangha-harass ang gobyerno.
“Si Presidente, hindi nagkakaroon ng ganung intensyon. Si Presidente, isa lang panuntunan niya: bigyan ng proteksyon at pagsilbihan ang taumbayan. ‘Yun ang kanyang batayan sa lahat ng kanyang galaw bilang Presidente ng bansa. Siya ang hinaharass ng mga kritiko, hindi siya nangha-harass. Pinapatupad niya lang kung ano batas,” pahayag ni Panelo.
Iginiit pa ni Panelo na kailanman hindi pumasok ang goyerno sa fake news.
Mismong si Pangulong Duterte ay galit mismo sa mga fake news.
“Alam mo ang fake news ay iisa lamang, fake. Whether saan man manggagaling yan ay fake pa rin yan. Ang gobyerno kailanman ay hindi pumapasok sa fake news, ani Panelo.
Ayaw kasi aniya ng pangulo na binabago ang katotohanan.
“Diyan nga nagagalit si Presidente. Binabago ang facts and figures at hindi nagiging matapat. Hindi ba yun ang palaging pakiusap ni Presidente sa lahat, ang gusto lang niya ay truth at fairness,” dagdag pa ni Panelo.
Iginagalang din aniya ng Palasyo ang malayang pamamahayag sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.