“10 tanong sa MWSS, Maynilad at Manila Water!” sa “WAG KANG PIKON!” ni Jake Maderazo
Kabilaan ang mga paliwanag ni Pangulong Duterte at water concessionaires na Maynilad at Manila Water sa isyu ng kontrata sa tubig. Sabi ng Pangulo, kakasuhan niya ng “economic sabotage” ang dalawa dahil sa lantarang pagsasamantala sa mamamayan. Masyadong “one-sided” daw sa mga negosyante ang kasunduang pinasok ni ex-President Ramos noong 1997. Magtatapos sana ang kontrata sa 2022, pero noong 2009 ay ini-extend ito ni Ex-President GMA sa 2037. Sabi ng DOJ, “irregular” ang extension na ito dahil 13 years pa bago ito mag-expire. Iniutos ng Pangulo ang “drafting” ng panibagong agreements na anya’y hindi raw makakasakit sa mga Pilipino.
Sabi naman ng mga water companies, ang mga kontratang pinasok ng gobyerno kahit ng nakaraang presidente ay dapat sundin, dahil kung pabagu-bago ang isipan ng bawat bagong administrasyon, aayaw naang pribadong sector sa “privatization” ng gobyerno. Ayon sa Manila water, gumastos sila ng P116-B, nagtayo ng 5,500 kms ng tubo, dalawang filter plants, 32 bagong reservoir, 113 pumping stations at iba pa. Handa rin silang pag-usapan nila ng gobyerno ang 7.39B award ng Singapore arbitral court. Ang Maynilad naman ay gumastos na raw ng P181-B para sa West Zone. “Open” din ang Maynilad na upuan at pag-usapan ng gobyerno ang anumang pagbabago sa “concession agreement”.
Pero sa ating mamamayan, maraming kwestyon ang dapat sagutin ng dalawang water concessionaires at MWSS.
Una, bakit taumbayan ang nagbabayad ng kanilang ‘corporate income tax” at mga “business expenses”?
Ikalawa, ang Maynilad at Manila water ba ay mga “public utilities” na 12 percent lamang ang dapat na ROI katulad ng MERALCO? Bakit sinasabi nilang hindi at “concessionaire” lang sila ng tubig?
Ikatlo, bakit ang gobyerno pa rin ang gumagastos sa lahat ng “water infrastructure” tulad ng “dams” para madagdagan ang suplay ng tubig?
Ikaapat, isinasama ba sa kwentahan ng dalawang water companies ang mga assets ng gobyerno sa MWSS, tulad ng mga dams at na-o-audit ba ito COA?
Ikalima, bakit tayong consumers ang nagbabayad sa kanilang mga “capital investment plans” tulad ng pinaplano pa lang na Laiban dam, at iba pa na karaniwan ay hindi natutuloy?
Ikaanim, bakit sa mga “arbitration cases “ sa Singapore ng mga water companies at MWSS, taumbayan pa rin ang nagbabayad sa “lawyer fees” ng naturang mga kompanya gayong ang kalabang MWSS ay sariling gastos ?
Ika-pito, bakit nag-“premature extension” ang mga concession agreements noong 2009, kahit nakasaad ang “transparent transition” bago sila mag-expire at ma-extend? Bakit hindi “na-audit” man lang ang dalawa bago ma-extend ang kontrata?
Ika-walo, ano ba talaga ang papel ng Maynilad at Manila water? Sila ba’y taga-singil lamang ng MWSS? Bakit lahat ng sinisingil nila sa atin ay deretsong napupunta sa kumpanya nila?
Ika-siyam, ang tubig ay pag-aari ng Estado, bakit “yearly fees” lang ang binabayad nila sa MWSS? Wala bang halaga ang tubig ng gobyerno na gamit nila sa negosyo?
At Ika sampu, saan napunta ang bilyun-bilyong pisong “environmental fees” na siningil ng water concessionaires mula pa noong 1997? Pinagmulta na sila ng Korte Suprema ng P921-M bawat isa at araw-araw na P332,102 dahil sa hindi pagsunod sa kontrata?
Marami pang tanong, pero hayaan nating tuklasin ito ng DOJ at pag-usapan nila ng mga water concessionaires at MWSS. Sa totoo lang, tamang tama na magkaroon ng panibagong kasunduan ang gobyerno, Maynilad at Manila water!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.