Binansagang “habal-habal judge” nanumpa na sa kanyang pwesto bilang bagong Mahistrado ng SC
Pormal nang nanumpa sa kanyang bagong tungkuling bilang isa sa pinakabagong talagang mahistrado ng Supreme Court si Justice Edgardo Lao Delos Santos.
Isinagawa ang oath taking ceremony ni Justice Delos Santos kanina sa session hall ng Supreme Court sa harap ni Chief Justice Diosdado Peralta.
Kasama ni Justice Delos Santos sa kanyang panunumpa ang mga miyembro ng kanyang pamilya.
Si Justice Delos Santos ang papalit sa binakanteng pwesto ng nagretirong si Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Bago natalaga sa Supreme Court, dating mahistrado ng Court of Appeals si Delos Santos.
Nakilala si Justice Delos Santos bilang “habal-habal” judge na nagmo-motorsiklo lamang noon para ihatid ang kanyang maybahay at mga anak sa eskwela noong Municipal Trial Court judge pa lamang siya ng Dumaguete City.
Nagtapos si Justice Delos Santos ng abogasya sa University of San Carlos sa Cebu City at naging Executive Judge ng Court of Appeals sa Visayas Station noong 2018.
Kahapon, nauna nang nanumpa sa kanyang tungkuling bilang Associate Justice ng SC si Justice Mario Villamor Lopez mula naman San Beda College.
Inaasahang magtatalaga pa ng isang mahistrado ng SC ang Pangulong Duterte para makumpleto ang 15 mahistrado ng Korte Suprema.
Sa ngayon, 11 mahistrado na ng SC ang appointee ng Pangulo kabilang na si Chief Justice Diosdado Peralta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.