P10M na dagdag na incentives sa Pinoy gold medalists sa SEA Games target malikom ng Kamara

Lumilikom na ang Kamara ng salapi upang makabuo ng hanggang 10 milyong piso mula sa mga miyembro nito para mabigyan ng dagdag na benepisyo ang mga Pilipinong makakasungkit ng gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games.

Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, kokolektahin ang naturang halaga sa sweldo ng lahat ng miyembro ng Kamara sa Enero ng susunod na taon.

Nakapaloob ang nasabing inisyatibo sa House resolution 568 para i-congratulate ang mananalong mga atleta sa SEA Games sa harap ng inaasahang paghakot ng medalya ng Pilipinas sa mga laro.

Inihain ang resolusyon ng mga lider ng Kamara sa pangunguna ni Cayetano na siya ring chairman ng PHISGOC.

Binigyang diin dito na nararapat lang na magkaroon ng dagdag na incentives mula sa Philippine Olympic Committee at sa Kamara ang mga mananalo ng gintong medalya dahil sa pagbibigay ng malaking karangalan sa sambayanang Pilipino.

Ang dagdag-incentive mula sa Kamara para sa gold medalists ay bukod pa sa matatanggap nila na nakasaad sa batas at premyong cash mula sa POC.

Read more...