Walang paalam tungkol sa anti-drug ops si Marcelino sa kaniyang superiors – Phil Navy

Marcelino1
Photo from PNP-AIDG

Hindi anti-drug operations o drug surveillance ang ipinaalam ni Col. Ferdinand Marcelino sa kaniyang superiors nang siya ay umalis sa opisina niya Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Col. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Philippine Navy, kaka-assume lamang ni Marcelino sa kaniyang superintendent post sa Navy Officer Candidate School noong Lunes, January 18 sa Naval Education and Training Command (NETC) na naka-base sa Zambales.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Arevalo na batay sa kanilang koordinasyon sa superiors ni Marcelino, nasa kaniyang opisina pa ito noong Miyerkules ng gabi.

Alas 7:00 ng umaga aniya kahapon nang makatanggap ng text message mula kay Marcelino ang kaniyang superior na si NETC chief, Capt. Restituto Bilbao.

Sa text, sinabi umano ni Marcelino na siya ay lumuwas ng Maynila para ayusin ang problema ng isang action agent na ‘di umano’y nahuli at idinadawit na ang kaniyang pangalan. “Ang information na meron tayo, was that, he sent SMS sa Chief of Staff ng Naval Education and Training Command na si Capt. Restituto Bilbao, informing the later na siya po ay nagtungo sa Manila ng madaling araw kahapon upang ayusin umano ang problema ng isang action agent na ‘di umano’y nahuli at nag-start nang i-name drop ang kaniyang pangalan at nagbibigay ng releases sa media that’s why he had to immediately go to Manila to fix it,” ayon kay Arevalo.

Binanggit din umano ni Marcelino na hindi na siya nakapagpaalam ng personal sa kaniyang superior dahil alanganin na ang oras nang siya ay umalis at hindi na siya nanggising.

Ala 1:00 ng madaling araw kahapon nang maganap ang pagsalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) sa isang shabu laboratory sa Sta. Cruz Maynila.

Nangangahulugan lamang na kung alas 7:00 na ng umaga nag-text si Marcelino, ipinadala niya ang nasabing text message sa kaniyang superior matapos na ang pag-aresto sa kaniya at sa isang Chinese National.

Ani Arevalo, bago ang pagkaka-assign kay Marcelino sa NETC sa Zambales ay katatapos lamang niyang sumailalim sa Command and General Staff course sa Camp Aguinaldo.

Ang CJC aniya ay isang career course at requirement sa lahat ng officers para sila ay magawaran ng promosyon.

Read more...