Sa situation briefing sa Legazpi City, Albay tungkol sa epekto ng Bagyong Tisoy, sinabi ng presidente na wala siyang balak na magbayad ng P7.39 bilyong danyos sa Manila Water.
Ito ay makaraang ipag-utos ng Permanent Court of Arbitration ng Singapore sa gobyerno ng Pilipinas na bayaran ang Manila Water ng naturang halaga bilang kompensasyon sa nalugi noong June 2015 hanggang November 2019 dahil sa hindi pagpapatupad ng taas-presyo sa tubig.
Noong nakaraang taon, nag-utos din ang naturang Singaporean court na magbayad ang gobyerno ng P3.4 bilyon sa Maynilad dahil sa hindi rin pagpayag sa taas-presyo sa tubig mula 2013 hanggang 2017.
Pero muling iginiit ng pangulo na dapat panagutin sa economic sabotage ang nasa likod ng concession agreements.
“If you look at the law maybe mali ako but this is a classic case of economic plunder. Wala lang nakasilip nito,” ani Duterte.
Ayon sa pangulo, ang may-ari ng dalawang water utilities ay nakakulimbat na ng bilyun-bilyong pera mula sa gobyerno at sa mamamayang Filipino dahil sa hindi patas na kontrata.
Una nang nag-utos si Duterte sa Department of Justice at Office of the Solicitor General na bumalangkas ng bagong concession agreement na pabor sa sambayanan.