NDRRMC: Patay sa pananalasa ng Bagyong #Tisoy umakyat na sa 9

Pumalo na sa siyam ang bilang ng nasawi at 19 ang nasugatan bunsod ng pananalasa ng Bagyong Tisoy sa bansa ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa pinakahuling situational report ng NDRRMC, lima ang kumprimadong patay sa Oriental Mindoro, isa sa Marinduque, isa sa Batangas, isa sa Quezon at isa sa Leyte.

Aabot sa 154,410 pamilya o 618,475 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa 2,269 barangay sa Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region at Eastern Visayas.

Kabuuang 112 ang bahay na napinsala kung saan 37 ay totally damaged at 75 ay partially damaged.

Nagtamo rin ng pinsala ang 27 paaralan.

Labing-anim na lugar ang napaulat na binaha sa Central Luzon, Western Visayas at CALABARZON.

Ayon pa sa NDRRMC, umabot na sa P811 milyon ang naging pinsala sa sektor ng agrikultura, mas mataas ito sa pagtaya ng Department of Agriculture (DA) na umabot lang sa P531.61 milyon.

Ang Bagyong Tisoy ang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong 2019.

Read more...