Cayetano planong magsumite ng hosting bid para sa 2030 Asian Games

Kuha ni Fritz Sales

Nagpahayag si Southeast Asian Games organizing committee (PHISGOC) chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano ng kagustuhan na mag-bid ang Pilipinas para sa hosting ng 2030 Asian Games.

Sa ambush interview araw ng Miyerkules, sinabi ni Cayetano na kokonsulta siya kay Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa planong pag-bid.

Hindi pa naman anya ang susunod na pamahalaan ang mamumuno sa hosting ng 2030 Asian Games kundi ang pangalawa pang administrasyon matapos ang Duterte admin.

“I’m preparing a long memo to the President and I talked to the POC (Philippine Olympic Committee) president kagabi, kay Congressman Bambol Tolentino, he will write—and ask if we can bid and if we do win that bid, ang magho-host hindi pa nga next admin, the admin after next batch,” ani Cayetano.

“Puwedeng gawin natin, ilalagay ko sa memo puwedeng ‘yung head ngayon ng Duterte sports, whoever it is, ipasa kung sino ang next administration then sa pangatlo,” dagdag nito.

Ang pahayag ni Cayetano ay matapos ang umano’y suhestyon ni Olympic Council of Asia vice president Wei Jizhong ng China na mag-host ang bansa ng mas malaking sporting events dahil sa matagumpay na hosting sa 2019 Southeast Asian Games.

Iginiit pa ng House Speaker na mas maganda ang pag-host sa Asian Games dahil hindi kailangang nasa iisang lugar ang venue.

Maaari anyang magtayo ng sports facilities sa Luzon, Visayas at Mindanao para sa palaro.

“So for Asian Games you can actually build Visayas-Mindanao facilities and Southern and Northern Luzon. Kasi tayo hindi tayo talaga magbi-build unless sigurado tayong may dadating, ganun minsan ang ugali natin. So maganda na meron tayong tina-target 10 years from now,” ani Cayetano.

Dagdag pa ng House Speaker, malaking bentahe rin sa bansa ang hosting ng sports competitons dahil nagpapasok ito ng pera at trabaho.

“So industriya, malaking pera rin at trabaho ang papasok sa Pilipino kapag naayos ang ating sports tourism at sports-related,” giit ng kalihim.

Sakaling manalo sa planong pag-bid ,ito ang ikalawang pagkakataon na host ang Pilipinas ng Asian Games matapos itong ganapin sa bansa noong 1954.

Read more...