Col. Marcelino, nagtatrabaho sa ilalim ng anti-crime czar – Ex-PDEA Dir. Santiago

 

Direktang nagta-trabaho sa Malacañang at mismong kay Pangulong Benigno Aquino III ang opisyal ng Philippine Marines na si Col. Ferdinand Marcelino na nadakip sa isang anti-illegal drugs operation sa Maynila kahapon.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director Dionisio Santiago na si Marcelino ay nagsasagawa ng mga lehitimong operasyon kontra iligal na droga sa ilalim ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na pinamumunuan ni Executive Secretary Paquito Ochoa.

Bagaman hindi niya tiyak kung hanggang ngayon ay nagtatrabaho pa rin si Marcelino kay Ochoa, minsan ay siya mismo ang humaharap kay Pangulong Aquino para mag-report.

Naging Group Commander din si Marcelino ng Military Intelligence Group ng Intelligence Service of the Armed Forces.

Si Marcelino ay naaresto kahapon kasama ang isang Chinese na si Yan Yi Shou sa isang pinaniniwalaang shabu laboratory sa Sta. Cruz, Maynila kung saan nasabat ng pinagsamang pwersa ng PDEA at ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) ang 60 kilos ng shabu na tinatayang nasa P300 milyon ang street value.

Samantala, nabigla man sa pagkakasangkot ng isa sa kanilang tauhan sa nasabing operasyon, nanindigan naman ang Armed Forces of the Philippines na suportado nila ang imbestigasyon ng PNP tungkol dito.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Noel Detoyato, makakaasa ang PNP sa buong kooperasyon ng AFP sa kanilang gagawing imbestigasyon.

Read more...